Bossing humihinga pa
MANILA, Philippines — Sumilip ng tsansa ang Blackwater sa isang playoff spot matapos patumbahin ang sibak nang Terrafirma, 96-86, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumalikwas ang Bossing mula sa apat na dikit na kabiguan para sa kanilang 2-7 baraha at buhayin ang pag-asa sa agawan sa No. 8 place sa quarterfinal round.
Bagsak naman ang Dyip sa pang-10 sunod na kamalasan.
Kumamada si import George King ng 26 points habang may 17, 15 at 11 markers sina Justin Chua, Mike Ayonayon at Jaydee Tungcab, ayon sa pagkakasunod.
“Our will, our intensity, just our mindset are always being challenged. So we have to understand that this is part of basketball,” ani Blackwater coach Jeff Cariaso. “I told them tonight was a must win game, pretty simple.”
Binanderahan ni reinforcement Brandon Edwards ang Terrafirma sa kanyang 29 points kasunod ang 17 markers ni Louie Sangalang.
Naisuko ng Bossing ang itinayong 11-point lead sa first period matapos agawin ng Dyip ang 49-45 halftime lead patungo sa 67-63 bentahe sa huling tatlong minuto ng third quarter.
Nakabalik ang Blackwater para muling angkinin ang 84-71 kalamangan sa likod nina Chua, Rey Suerte at Richard Escoto sa 8:30 minuto ng fourth canto.
Huling nakalapit ang Terrafirma sa 83-89 sa pangunguna ni Edwards sa 2:58 minuto ng laro.
Matapos ito ay bumanat si Ayonayon ng sariling 7-0 atake para muling ilayo ang Bossing sa 96-83 sa huling 1:55 minuto.
Kailangang talunin ng Blackwater ang Converge sa Linggo, ang Phoenix sa Enero 21 at ang NorthPort sa Enero 25 para sa kanilang hangaring makahirit ng playoff sa huling quarterfinal berth.
- Latest