Marcial balik-ensayo sa gitna ng kontrobersiya
MANILA, Philippines — Balik-ensayo na agad si Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial matapos pumutok ang kontrobersiya sa asawa nitong si Princess.
Isinantabi muna ni Marcial ang mga personal na usapin para pagtuunan ang kanyang training at masigurong nasa perpektong kundisyon ito sa kabila ng mga isyu.
Nais ni Marcial na pag-usapan na lamang ito sa tamang lugar lalo pa’t may kani-kanya nang abogado ang magkabilang panig para maresoba ito.
“Tuluy-tuloy pa rin ang ensayo,” ani Marcial.
Nagpost si Marcial ng video sa social media kung saan sumalang ito sa sparring session.
Pumutok ang isyu matapos isiwalat ni Princess sa social media ang umano’y pambababae, pananakit at pagbabanta ni Marcial sa kanya.
Pinabulaanan naman ni Marcial ang lahat ng paratang ng kanyang asawa.
Pinayuhan na si Marcial ng kanyang legal counsel na si Atty. Marlon Morada upang manahimik na muna.
Sasagutin ng kampo ni Marcial ang lahat ng akusasyon sa oras na matanggap na nito ang pormal na reklamo.
- Latest