NU-Nazareth reyna ng 9th Dreamers Girls International Basketball Challenge
MANILA, Philippines — Dinomina ng National University-Nazareth School (NUNS) ang bisitang Yimpact Guam ng Guam, USA, 70-43, para pagreynahan ang 9th Dreamers Girls International Basketball Challenge sa Reyes Gym sa Mandaluyong City.
Winalis ng UAAP-member squad ang eliminations patungo sa finals kung saan nila hinarap ang Yimpact Guam squad na pinamunuan nina Guam back-to-back MVP Jia Peters at Fil-Am Center Amara Carmen sa ilalim ni grassroots basketball coach Jimmy Yi sa torneong inorganisa ng Philippine Youth Dreamers Organization (PYDO).
Sa championship game ay kaagad kinuha ng Yimpact Guam ang 11-0 abante bago nakabangon ang NUNS ni coach Cams Escotto sa pamamagitan ng kanilang opensa at mahigpit na depensa para angkinin ang tropeo.
Samantala, minasaker ng JH Athletics ang Notre Dame, 63-31, para sa third place honors.
Ang torneo ay pinamahalaan ni Commissioner at coach Beaujing Acot na nangangasiwa sa mga international tournaments sa higit isang dekada.
Didribol ang susunod na edisyon ng torneo sa Batis Aramin Resort and Hotel sa Lucban, Quezon tampok ang anim na koponan mula sa Guam at ilang local teams.
- Latest