Bolts umeskapo sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Binuksan ng Meralco ang taong 2025 sa pamamagitan ng panalo.
Pinigilan ng Bolts ang dalawang sunod na kamalasan matapos talunin ang guest team Hong Kong Eastern, 88-83, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si import Akil Mitchell ng 31 points, 14 rebounds, 7 steals at 5 assists para itaas ang baraha ng Meralco sa 4-2 at pinigilan ang hangad na back-to-back wins ng Eastern para sa 6-2 marka nito.
Nagdagdag si Bong Quinto ng 16 markers habang may tig-siyam na puntos sina Aaron Black at Chris Newsome.
“This is a good one. We did enough to win. It was a grind out win,” wika ni coach Luigi Trillo sa Bolts. “We knew they’ll came back sa third. They had 31 points, but we did enough to hold the fort and get this W.”
Binanderahan ni Canadian import Chris McLaughlin ang Hong Kong team sa kanyang 28 points at may 16, 13 at 12 markers sina Kobey Lam, Steven Guinchard at Hayden Blankley, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Meralco ang 28-19 abante sa first period bago nakadikit ang Eastern sa halftime, 36-39, bago tuluyang agawin ang unahan, 72-71, sa 9:39 minuto ng fourth period.
Nauna nang isinara ng Bolts ang third quarter sa 61-55 tampok ang iniskor na 16 points ni Mitchell habang ang dalawang free throws ni Quinto ang muling naglayo sa kanila sa guest team sa 84-78 sa huling 3:09 minuto ng final canto.
“I think the first half I was seeing things that I can take advantage of and in the second half they didn’t make any adjustments, so I just try to exploit it,” wika ni Mitchell.
- Latest