Kiefer hataw sa B.League
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Kiefer Ravena matapos buhatin ang Yokohama B-Corsairs sa 79-75 panalo laban sa Nagasaki Velca sa Japan B.League na ginanap sa Happiness Arena sa Nagasaki.
Nagtala si Ravena ng 12 puntos, limang assists, dalawang rebounds at isang steal para tulungan ang bisitang B-Corsairs na makuha ang panalo kontra sa Nagasaki.
Nakatuwang ni Ravena si French import Damien Inglis na may double-double na 23 points, 15 rebounds, dalawang assists at isang steal.
Nasa Nagasaki squad naman si Gilas Pilipinas standout AJ Edu na nagkasya lamang sa siyam na puntos, pitong rebounds, apat na assists, dalawang blocks at isang steal.
Dahil sa panalo, umangat ang Yokohama sa 10-17 rekord para okupahan ang ika-17 puwesto.
Lumasap naman ang Nagasaki ng ikalawang dikit na kabiguan para malaglag sa ika-14 posisyon tangan ang 13-14 baraha.
Sa kabilang banda, hindi pinalad ang tropa ni Kai Sotto na Koshigaya Alphas matapos yumuko sa Mikawa sa Kariyashi Taiikukan Arena.
Nagsumite ang 7-foot-3 Pinoy cager ng 10 puntos, walong rebounds at apat na assists para sa Alphas.
Nalugmok ang Alphas sa 8-19 marka para magkasya sa ika-20 puwesto.
Talo rin ang mga teams nina Matthew Wright at Bobby Ray Parks Jr.
Yumuko ang tropa ni Wright na Kawasaki Brave Thunders sa Sendai, 61-82, para manatiling walang panalo sa liga.
Hindi rin pinalad ang team ni Parks na Osaka Evessa na tumupi naman sa Kyoto Hannaryz, 75-78, sa Kataoka Arena sa Kyoto.
- Latest