PVL teams balik-ensayo
MANILA, Philippines — Balik-ensayo na ang mga koponan para sa muling paghataw ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Enero 18.
Kabilang dito ang nangungunang Petro Gazz na sinosolo ang liderato sa kanilang bitbit na 5-1 record kasunod ang Cignal HD (5-2) at nagdedepensang Creamline (4-0).
“Holiday season is over! Back to the grind,” wika ng Gazz Angels sa kanilang pagbabalik sa gym.
Limang sunod na panalo ang hinataw ng Petro Gazz matapos matalo sa Creamline sa una nilang laro sa torneo.
Huling lumaban ang Gazz Angels noong Disyembre 14 kung saan nila tinalo ang HD Spikers, 25-19, 25-21, 25-18, kasunod ang Christmas break ng liga.
Sumabak din sa ensayo ang PLDT (3-2) at Nxled (0-5) bilang preparasyon sa pagbabalik ng hostilidad tampok ang tatlong laro sa Philsports Arena sa Pasig City.
“The PLDT High Speed Hitters looked delighted to see each other again as they return to training today in QC,” pahayag ng High Speed Hitters.
Sumalang naman ang Chameleons sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
“Back for the new year, lighting it up again,” sabi ng Nxled na hanap ang una nilang panalo.
Sa Enero 18 lalabanan ng Nxled ang Farm Fresh (2-3) sa ala-1:30 ng hapon kung saan inaasahang ipaparada ng Foxies si middle blocker Lorene Toring sa unang pagkakataon.
Sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon ay magtutuos ang ZUS Coffee (2-3) at Choco Mucho (3-3).
Sa huling laro sa alas-6 ng gabi ay magtatagpo ang PLDT High Speed at Akari Chargers (3-3).
- Latest