Curry pinaulanan ng tres ang 76ers
SAN FRANCISCO - Nagbagsak si Stephen Curry ng 30 points tampok ang perpektong 8-of-8 shooting sa three-point range para gabayan ang Golden State Warriors sa 139-105 paglamog sa Philadelphia 76ers.
May 24 points na si Curry sa halftime matapos ang 6-of-6 clip sa 3-point line para sa Warriors (17-16).
Nagdagdag si Jonathan Kuminga ng 20 points mula sa bench.
Binanderahan ni Joel Embiid ang 76ers (13-19) sa kanyang 28 points at 14 rebounds.
Naglaro si Curry na may right thumb sprain, habang may left foot sprain naman si Embiid.
“Sometimes when you have a little injury or something that’s random, it kind of forces you to focus a little bit. And just be free. I was just happy that I got to play,” sabi ni Curry.
Inilista ng Golden State ang 35-19 kalamangan matapos ang first quarter at ipinoste ang 25-point lead sa pagsasara ng third quarter.
Ang dalawang sunod na triples ni Curry sa kaagahan ng fourth period ang lalo pang nagbaon sa Philadelphia sa 30-point deficit.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng 76ers matapos maglista ng isang four-game winning streak.
Sa Minneapolis, kumolekta si Jayson Tatum ng 33 points, 9 assists at 8 rebounds sa 118-115 pagtakas ng nagdedepensang Boston Celtics (25-9) sa Minnesota Timberwolves (17-16).
Sa Los Angeles, nagsalpak si LeBron James ng 38 points at naglista si Max Christie ng career-high 28 marers sa 114-106 panalo ng Lakers (19-14) sa Portland Trail Blazers (11-22).
Sa Milwaukee, umiskor si Cam Johnson ng 26 points, habang may 24 markers si Cam Thomas sa 113-110 pagtakas ng Brooklyn Nets (13-21) sa Bucks (17-15).
Sa Oklahoma City, kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng 29 points sa 116-98 pagpapatumba ng Thunder (28-5) sa Los Angeles Clippers (19-15).
Sa Miami, tumipa si Tyrese Haliburton ng 33 points at 15 assists at may 21 markers si center Myles Turner sa 128-115 pagpapalamig ng Indiana Pacers (17-18) sa Heat (17-15).
- Latest