Reyes nagpasalamat sa break
MANILA, Philippines — Ipinagpasalamat ni TNT Tropang Giga coach Chot Reyes ang kanilang 18-day break sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup para makarekober ang kanyang mga players mula sa injury.
Bumira ang Tropang Giga ng isang two-game winning run para sa kanilang 2-2 record bago ang three-week break.
Kabilang sa mga may injury ay sina Jayson Castro, big man Poy Erram at import Rondae Hollis Jefferson.
“Buti na lang meron kaming mahabang break for us to recover,” ani Reyes..
Noong Disyembre 19 huling naglaro ang TNT kung saan nila pinatumba ang Blackwater, 109-93.
Sa kanilang panalo sa Bossing (1-5) ay naglista ang 38-anyos na si Castro ng 16 points sa kanyang pagbabalik mula sa knee injury.
May ankle injury si Hollis-Jefferson, habang masama ang bagsak ng 6-foot-8 na si Erram sa kanilang laban ng Blackwater.
“If you noticed, he’s (Hollis-Jefferson) not 100 percent because he has a slight ankle sprain. Hopefully, this break helped him get better and recover,” wika ni Reyes sa two-time PBA Best Import at dating NBA player.
Magbabalik ang Tropang Giga sa aksyon sa Enero 7 laban sa Meralco Bolts.
“When I saw the schedule, sabi ko sana maka 3-1 kami. But 2-2 is not bad,” dagdag ng 61-anyos na si Reyes na isang 10-time PBA champion coach.
Magbabalik ang mga aksyon bukas tampok ang salpukan ng mag-utol na Barangay Ginebra (4-2) at San Miguel (3-3) sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa alas-5 ng hapon ay maglalaban ang guest team Eastern (6-2) at Meralco (3-2).
- Latest