Nicolas pasikat sa Poland chessfest
MANILA, Philippines — Muling nagpakitang gilas si National Master Nika Juris Nicolas kaya naman maganda ang pagtatapos ng taong 2024 para sa batang woodpusher nang sungkitin nito ang korona sa 35th International Chess Festival noong Linggo na nilaro sa Galaxy Hotel sa Krakow, Poland.
Nagningning sa Open Under 1800 category ang Grade 7 student sa Victory Christian International School sa Pasig City na si Nicolas (Elo 1635) matapos ilista ang undefeated record na 6 wins at 1 draw para itaas ang kanyang kabuuang 6.5 points sa seven round swiss system.
Maging ang kanyang FIDE elo rating ay tumaas ng 86 puntos at may Performance rating itong 2017.
Pinisak ni Nicolas (Standard Elo rating na 1635) sina Kacper Miaso ng Poland (1400), Mateusz Waszkiewicz ng Poland (1402) at Artem Sokolvak ng Ukraine (1000) sa una at tatlong round, ayon sa pagkakasunod.
Natuldukan ang three-match winning streak ni Nicolas nang matablahan siya ni Filip Korda ng Poland (1725) sa ika-apat na round.
Pagkatapos ay pinagpag niya sina Arkadiusz Piwowarczyk ng Poland (1779), Nikita Alexeev ng Ukraine (1697) at Ali Asgarzada ng Azerbaijan (1653) sa ikalima, ikaanim at pitong round, ayon sa pagkakasunud-sunod
Nasikwat ng host country na sina Rafal Skalny at Filip Korda ang second at third place matapos irehistro ang tig-5.5 puntos.
- Latest