Korovin palalakasin ang tsansa ng Team Philippines sa Asian Winter Games
MANILA, Philippines — Lumakas ang tsansa ng Team Philippines na makahirit ng medalya sa 9th Asian Winter Games na gaganapin sa Harbin, China sa Pebrero ng taong 2025.
Ito ay matapos aprubahan ang naturalization ni Russian figure skater Aleksandr Korovin.
“Susulong ang paghahangad ng Pilipinas na makamit ang kauna-unahang medalya nito sa Winter Olympics matapos maipasa ang batas na mag gagawad ng Philippine citizenship kay Russian figure skater Aleksandr Korovin,” ani Senador Francisco “TOL’ Tolentino.
Si Tolentino rin ang nag-sponsor sa panukalang naggawad ng naturalization kay Justin Brownlee ng Gilas.
Inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12115 noong Disyembre 20 para maging opisyal na Philippine citizen si Korovin.
Kaya naman inaasahang magkakaroon na ito ng Philippine passport na isa sa mga kailangan sa anumang international competitions gaya ng Asian Winter Games.
Kapares ni Korovin si Pinay figure skater Isabella Gamez na ilang medalya na ang naibulsa ng dalawa.
Nakahirit ng pilak sina Korovin at Gamez sa International Skating Union event sa France noong 2022.
Sumabak sina Korovin at Gamez sa World Figure Skating Championships noong 2023 at 2024.
Umaasa sina Korovin at Gamez na makakahirit ng tiket sa 2026 Winter Olympic Games na gaganapin sa Italy mula Pebrero 6 hanggang 22.
- Latest