Jokic nagkuwintas ng triple-double vs Pelicans
NEW ORLEANS — Inilista ni Nikola Jokic ang kanyang pang-siyam na triple-double ngayong season sa tinapos na 27 points, 13 rebounds at 10 assists para banderahan ang 132-129 overtime win ng Denver Nuggets kontra sa Pelicans.
Nagdagdag si Jamal Murray ng 27 points, habang may 21 markers si Russell Westbrook para sa Denver (15-11).
“Seems like we just like it that way,” wika ni Jokic. “We should be more hungry.”
Kumamada si Jordan Hawkins ng 25 points sa panig ng New Orleans (5-25) na nakahugot kay CJ McCollum ng 24 markers.
Kinuha ng Pelicans ang 107-98 bentahe sa 7:50 minuto sa regulation.
Ngunit naghulog ang Nuggets ng isang 15-2 bomba kasama ang pitong puntos ni Jokic sa loob ng 3:41 minuto para agawin ang 113-109 kalamangan.
Ibinigay ni McCollum sa New Orleans ang 119-117 abante mula sa kanyang 3-pointer sa huling 52 segundo kasunod ang basket ni Murray na nagtabla sa Denver sa natitirang 8.8 segundo patungo sa overtime.
Iniskor naman ni Jokic ang unang anim na puntos sa extra period, habang ang layup ni Aaron Gordon ang nagtaas sa Nuggets sa 129-125.
Sa Sacramento, humakot si Pascal Siakam ng double-double na 19 points at 10 rebounds para banderahan ang Indiana Pacers (14-15) sa 122-95 paggupo sa Kings (13-17).
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng Indiana na nakakuha kay Myles Turner ng 15 points, habang may tig-14 markers sina star guard Tyrese Haliburton at reserve Ben Sheppard .
Tumipa si T.J. McConnell ng 12 points at 10 assists.
Pinangunahan ni point guard De’Aaron Fox ang Sacramento sa kanyang 23 points at humakot si Domantas Sabonis ng 17 points at 21 rebounds.
Sa Toronto, binura ng Houston Rockets (19-9) ang isang 16-point first-half deficit para agawin ang 114-110 panalo sa Raptors (7-22).
Bumira si Dillon Brooks ng 27 points.
- Latest