Tatum, Celtics binawian ang Bulls
CHICAGO, Philippines — Humakot si Jayson Tatum ng season-high 43 points, 16 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikatlong career triple-double sa 123-98 pagresbak ng nagdedepensang Boston Celtics kontra sa Bulls.
Sumama si Tatum kay NBA legend Larry Bird bilang tanging Celtics player na nagtala ng isang 40-point triple-double.
Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 22 points at may 19 markers si Jaylen Brown para sa Boston (22-6) na nagmula sa 108-117 kabiguan sa Chicago (13-16) noong Huwebes.
Iniskor ni Tatum ang 18 points sa third quarter sa paglulunsad ng Celtics ng isang 19-8 atake para kunin ang 93-77 abante papasok sa fourth period.
Pinamunuan ni Nikola Vucevic ang Bulls sa kanyang 19 points at 10 assists at nagdagdag sina Zach LaVine, Coby White at Patrick Williams ng tig-14 points.
Sa Minneapolis, nagbagsak si Stephen Curry ng 31 points sa 113-103 panalo ng Golden State Warriors (15-12) sa Minnesota Timberwolves (14-13).
Sa Milwaukee, bumira si Bobby Portis ng season-high 34 points sa 112-101 pagsuwag ng Bucks (15-12) sa Washington Wizards (4-22).
Sa San Antonio, nagkadena si Victor Wembanyama ng 30 points at dinuplika ang career high 10 blocks sa 114-94 panalo ng Spurs (15-13) sa Portland Trail Blazers (9-19).
Sa Cleveland, umiskor si point guard Darius Garland ng 26 points at nagposte si Evan Mobley ng 22 points, 13 rebounds at 7 assists, sa 126-99 pagbugbog ng NBA-leading Cavaliers (25-4) sa Philadelphia 76ers (9-17).
Sa New Orleans, bumira si Jalen Brunson ng season-high 39 points sa 104-93 pagpulutan ng New York Knicks (18-10) sa Pelicans (5-24).
Sa Orlando, iniskor ni Cole Anthony ang 27 sa kanyang 35 points sa second half para sa 121-114 pagpapatumba ng Magic (18-12) sa Miami Heat (13-13).
- Latest