DeMarcus Cousins hinugot ng SGA

DeMarcus Cousins
Zamboanga Valientes

MANILA, Philippines — Desidido ang Strong Group Athletics na rumesbak sa 2025 Dubai International Basketball Tournament na idaraos sa Enero 24 hanggang Pebrero 2 sa Dubai, United Arab Emi­rates.

Ito ay matapos hugutin ng SGA si dating NBA star DeMarcus Cousins upang palakasin ang kanilang tropa para sa naturang annual cagefest.

Mismong si Cousins na ang nagsiwalat ng magandang balita sa kanyang social media post.

Excited na ang NBA veteran na makasama ang mga Pinoy cagers at coaches para sa Dubai meet.

“I’m excited to announce that I’ll be teaming up with Coach Charles Tiu, Jacob Lao and Strong Group Athletics to represent the Philippines in the Dubai International Basketball Tournament,” ani Cousins.

Target ni Cousins na tulungan ang SGA na masungkit ang korona sa edis­yong ito.

Hindi naman na bago si Cousins sa sistema ng laro sa Pilipinas dahil kabisado na nito ang Pinoy style.

Nasilayan na sa aksyon ang 6-foot-10 NBA player kasama ang Zamboanga Valientes kung saan pinagharian ng tropa ang The Asian Tournament na ginanap sa Zamboanga City.

Huli itong nasilayan sa aksyon kasama ang Wuxi sa 2024 FIBA 3x3 World Tour Circuit noong Oktubre.

Kaya naman umaasa ang SGA na madadala nito ang malalim na karanasan nito sa kanilang tropa.

Apat na beses naging NBA All-Star si Cousins.

Naglaro ito para sa Sacramento Kings, New Orleans Pelicans, Golden State Warriors, Houston Rockets, Los Angeles Clippers, Milwaukee Bucks at Denver Nuggets.

Show comments