UE Junior Warriors tinapos ang 43 taong pagkauhaw
MANILA, Philippines — Kung tinapos ng Mapua Cardinals ang kanilang 33 taong pagkauhaw sa NCAA men’s basketball crown, winakasan naman ng University of the East Junior Warriors ang 39 taong paghihintay sa UAAP boys’ basketball title.
Ginawa ito ng UE matapos dominahin ang University of Santo Tomas, 78-47, sa isang ‘winner-take-all’ Game Three ng UAAP high school boys basketball championship kahapon sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.
Huling nagkampeon ang Junior Warriors sa UAAP noong Season 44 (1981) sa paggiya ni head coach Gabriel Reyala at pangunguna ni PBA legend Jerry Codiñera.
Nakipagtambal si Codiñera kay ‘The Triggerman’ Allan Caidic para igiya ang UE Red Warriors sa huli nilang UAAP men’s crown sa Season 48 (1985).
“Finally, after how many years. It’s important for the school and the program. As I’ve said before, this would be enough na puntahan kami ng mga players. All of the teams namin sa basketball, puntahan na,” sabi ni Junior Warriors’ coach Andrew Estrella.
Dalawang beses lamang natalo ang Junior Warriors sa buong season.
Ito ay nang sumuko sila sa FEU-Diliman Baby Tamaraws, 66-81, sa eliminations at sa 84-98 pagyukod sa UST sa Game One ng kanilang title series.
Bumangon ang Junior Warriors mula sa kabiguan sa series opener at niresbakan ang Tiger Cubs sa Game Two, 76-70..
Mula sa 15-15 pagkakatabla sa first period ay lumayo ang Junior Warriors sa halftime 34-23, patungo sa 72-39 kalamangan sa second half.
- Latest