Cignal HD muling sosolohin ang liderato
MANILA, Philippines — Ang muling pagsosolo sa liderato ang hangad ng Cignal HD sa pakikipagtuos sa mainit ding Petro Gazz sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Maghaharap ang HD Spikers at Gazz Angels ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Chery Tiggo Crossovers at Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kasosyo ng Cignal sa top spot ang nagdedepensang Creamline sa magkatulad nilang 4-0 record kasunod ang Petro Gazz (4-1).
Ito ang huling laro ng torneo sa pagtatapos ng taong 2024.
Muling sasalang ang mga aksyon sa Enero 18 ng 2025 kung saan lalabanan ng Farm Fresh (2-3) ang Nxled (0-5) sa alas-1:30 ng hapon at haharapin ng Choco Mucho (3-3) ang ZUS Coffee (2-2) sa alas-4 ng hapon.
Sa alas-6 ng gabi ay magkikita ang PLDT Home Fibr (3-2) at Akari (3-3).
Nagmula ang HD Spikers sa 25-18, 25-22, 25-23 pagwalis sa Chameleons noong nakaraang Sabado sa Cebu City.
“I’m happy that I have this support here and it really pushes me to do even better kasi one way or another, I know that I inspire people and entertain them,” ani Vanie Gandler na humataw ng team-high 13 points mula sa siyam na attacks, tatlong blocks at isang service ace sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Muling makakatuwang ni Gandler sina Ces Molina, Roselyn Doria, Riri Meneses, Dawn Macandili-Cantindig at Gel Cayuna.
Galing din sa panalo ang Gazz Angels matapos gibain ang High Speed Hitters, 12-25, 25-14, 25-22, 25-20, sa huli nilang laban.
Ito ang ikatlong dikit na pananalasa ng Petro Gazz matapos matalo sa Creamline.
“Petro Gazz is really a good team and we’re hoping to finish strong this year so we will be able to reach our goal,” dagdag ni Gandler sa Gazz Angels.
Sa unang laro, puntirya naman ng Galeries Tower (1-4) ang ikalawang sunod na arangkada laban sa Chery Tiggo (3-2).
Tinapos ng Highrisers ang apat na dikit na kamalasan matapos kunin ang 26-24, 25-14, 25-23 panalo kontra sa Capital1 Solar Spikers (1-4) noong nakaarang Sabado.
- Latest