Batang Pier nakaiwas sa Tropang Giga
MANILA, Philippines — Muling sinandigan ng NorthPort ang kanilang depensa para paluhurin ang TNT Tropang Giga, 100-95, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sinolo ng Batang Pier ang liderato sa kanilang 4-0 record habang bagsak ang Tropang Giga sa 0-2 baraha.
“It was big. We definitely knew that they’re gonna give us their best game coming into this game. For us to be 4-0 right now is big for us,” ani Joshua Munzon na tumipa ng 20 points, 4 steals, 3 rebounds at 2 assists para pamunuan ang NorthPort,
Umiskor si import Kadeem Jack ng 27 markers habang may 17 at 12 points sina Arvin Tolentino at Will Navarro, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Calvin Oftana ang TNT sa kanyang 20 points at nalimitahan si two-time PBA Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa 19 markers.
Kinuha ng Tropang Giga ang 64-53 kalamangan sa third period bago inagaw ng Batang Pier ang 65-64 bentahe sa 4:15 minuto nito mula sa isang 12-0 atake.
Ang dalawang free throws ni Hollis-Jefferson sa 2:45 minuto ng fourth quarter ang nagbigay sa TNT ng 94-93 abante sa huling pagkakataon.
- Latest