Cone tuloy lang sa Gilas program
MANILA, Philippines — Epektibo ang programa ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na may magandang resulta sa mga nakalipas na international tournaments na nilahukan ng kanyang tropa.
Kaya naman ito pa rin ang programang gagamitin nito sa mga susunod na laban ng Gilas Pilipinas.
Nais ni Cone na magkaroon ng continuity ang programa dahil ito ang kailangan upang hindi pabago bago ang sistema at mas mabilis na makakakuha ng chemistry ang bawat miyembro ng team.
Malinis ang rekord ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifiers tangan ang imakuladang 4-0 na nagdala sa tropa sa FIBA Asia Cup proper sa susunod na taon.
Sa naturang qualifiers, may averages si naturalized player Justin Brownlee na 20.3 points, 8.5 rebounds at 4.8 assists.
Kaya naman malaking tanong kung sakaling papasok si Utah Jazz player Jordan Clarkson sa Gilas Pilipinas.
Hindi nakakasama sa training camp si Clarkson sa mga laban ng Gilas Pilipinas sa nakalipas.
Dumarating lamang ito sa Pilipinas ilang araw bago ang laban dahil na rin sa matinding schedule nito sa NBA.
Dahil dito, hirap ang Gilas Pilipinas na makabuo ng solidong chemistry kasama si Clarkson.
“He might be able to show up in a few weeks before the (2023 FIBA) World Cup, but that’s gonna defeat all the continuity you develop overtime with the team that you have,” ani Cone.
Alam ni Cone na malaki ang tulong ni Clarkson sa Gilas dahil sa husay at abilidad nito sa loob ng court.
“Again, when you bring in a naturalized player with the caliber of a Jordan Clarkson, he impacts the team in so many various ways,” ani Cone.
- Latest