Top spot puntirya ng Cignal HD kontra sa Nxled
MANILA, Philippines — Dadalhin ang aksyon ng 2024-2025 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Cebu.
Magtutuos ang Cignal HD at Nxled ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng Capital1 Solar Energy at Galeries Tower sa alas-6:30 ng gabi sa Minglanilla Sports Com-plex.
Target ng HD Spikers ang kanilang ikaapat na sunod na panalo para ma-solo ang liderato, habang ang unang panalo ang hangad ng Chameleons sa pang-limang laro.
Muling sasandal ang Cignal kina , Ces Molina, Jackie Acuña, Gel Cayuna at Dawn Catindig, habang babandera para sa Nxled sina Chiara Permentilla, Lycha Ebon, Krich Macaslang, Lucille Almonte at May Luna.
Huling biniktima ng HD Spikers ang Choco Mucho Flying Titans, 25-18, 25-18, 20-25, 25-22.
“Malaking bagay ito sa amin, kasi tulad ng sabi ninyo na isa sila (Choco Mucho) sa mga matibay na team. And 100% sure na makakatulong sa amin ito sa next games pa namin,” wika ni Cayuna.
Bigo naman ang Chameleons sa Solar Spikers, 25-21, 21-25, 15-25, 18-25, sa huli nilang laban.
Sa ikalawang laro, puntirya ng Solar Spikers ang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa kulelat na Galeries Tower.
Pumalo ang Capital1 ng 21-25, 25-21, 25-15, 25-18 panalo sa Nxled tampok ang 21 points ni Heather Guino-o.
“Mas kailangan pa po naming mas maging consistent sa ginagalaw namin sa loob ng court and mas kalangan pa po namin ipakita ‘yung tapang namin sa loob ng court,” sabi ni Guino-o.
- Latest