L.A. Lakers umeskapo sa Jazz
SALT LAKE CITY — Humakot si Anthony Davis ng 33 points at 11 rebounds, habang naglista si LeBron James ng 27 points at 14 assists para gabayan ang Lakers sa 105-104 pag-eskapo sa Utah Jazz.
Matapos ang mintis na three-point attempt ni James para sa Los Angeles (12-8) ay nagkaroon ang Utah (4-16)ng pagkakataong agawin ang panalo.
Ngunit bigo si point guard Collin Sexton na makatira sa pagtunog ng final buzzer.
Nauna nang isinalpak ni James ang isang running left-handed hook sa huling 41.0 segundo para sa 105-102 abante ng Lakers kasunod ang putback ni Walker Kessler para ilapit ang Jazz sa 104-105.
Naglaro ang Los Angeles na wala sina Jaxson Hayes (sprained right ankle), Austin Reaves (bruised hip), D’Angelo Russell (illness) at Cam Reddish (illness).
Umiskor si Lauri Markkanen ng 22 points at may 21 markers si John Collins para sa Utah na nalasap ang pang-walong kabiguan sa huling siyam na laro.
Sa Portland, nagpasabog si Luka Doncic ng 36 points para sa 137-131 panalo ng Dallas Mavericks (13-8) kontra sa Trail Blazers (8-13).
Sa Houston, nagbagsak si Fred VanVleet ng season-high 38 points at ipinasok ni Dillon Brooks ang isang go-ahead jump shot sa 119-116 paglusot ng Rockets (15-6) sa Oklahoma City Thunder (15-5).
Sa Inglewood, California, umiskor si James Harden ng 39 points tampok ang perpektong 13-of-13 shooting sa free throw line sa 126-122 panalo ng Los Angeles Clippers (13-9) sa Denver Nuggets (10-8).
Sa Sacramento, nagkuwintas si Victor Wembanyama ng 34 points, 13 rebounds at 11 assists para sa kanyang unang riple-double sa season at itinakas ng San Antonio Spurs (11-9) ang 127-125 panalo sa Kings (9-12).
- Latest