MANILA, Philippines — Walong koponan ang sasabak sa Magilas Pilipinas Basketball Association (MPBA) Women’s Championship na didribol bukas sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ibinida ni MPBA founder/coach Fernando “Kotz” Arimado ang natatanging liga para sa kababaihan na naglalayon na palawigin ang pagtuklas ng talento ng mga Pinay basketball players.
“Marami na ring liga para sa kababaihan, pero napakaraming talento na kailangan nating mabigyan ng pagkakataon na maipakita at ma-develop,” ani Arimado sa Tabloids Organization in Philippine Sports Inc. (TOPS) “Usapang Sports” kahapon sa Philippine Sports Commission (PSC) Conference Room sa Malate, Manila.
“Mula rito, hopefully, matulungan natin ang national association para makatuklas ng bagong talent na puwedeng maisama sa future Philippine Team,” dagdag nito.
Sasabak sa liga ang Eastside, Sunday Rim Hoopers, Amarix Baller, Shape & Shades, Elijah, Cyubico, Calamba Hoopers at Philippine Christian University Lady Dolphins.
Bukas pa ang pagpapatala para sa mga nagnanais lumahok sa torneo.
“Ang atin pong mga opisyal ay mga beteranong referee na naging bahagi na rin ng malalaking liga, kaya makakaasa po tayo ng maayos at sistimatikong programa,” sabi ni Arimado sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Kasama ni Arimado na dumalo sa programa si league technical committee head Allan Maronilla at coaches Rica Francisco at Jons Madriaga.
“Mataas na po ang narating ng women’s basketball. Unlike before noong panahon na naglalaro ako, ngayon full coverage na ang mga laro at may coming professional league na rin. Hopefully, itong liga ay makatulong sa ating mga kababaihang players para ma mag-aspire sila na maging professional in the future,” ani Francisco.