MANILA, Philippines — Tagumpay ang unang araw ng 30th Association of Firearms and Ammunition Dealers (AFAD) Defense and Sports Arms Show na ginaganap sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Dumagsa ang mga gun enthusiasts sa venue kabilang na rin ang ilang kilalang personalidad para masilayan ang iba’t ibang uri ng armas.
Tatakbo ang AFAD event hanggang Linggo kaya’t may pagkakataon pa ang lahat na makita ang iba’t ibang dekalibre at magagandang kalidad na armas.
Masaya si AFAD Spokesperson Alaric ‘Aric’ Topacio sa mainit na pagtanggap sa kanilang unang araw at umaasa itong magpapatuloy ito hanggang sa huling araw.
Ito ang huling edisyon ng AFAD Defense and Sports Arms Show sa taong ito matapos ang matagumpay na pagdaraos ng unang dalawang edisyon sa magkahiwalay na venues.
Ginanap ang unang edisyon sa parehong venue sa SMX, habang dumayo rin ang AFAD Defense and Sports Arms Show sa Davao City.
May mahigit 40 booths ang nasa SMX.