Elecom tiniyak ang maayos na POC elections
MANILA, Philippines — Tiniyak ng electoral commission (elecom) na magiging maayos ang darating na Philippine Olympic Committee (POC) polls na nakatakda sa Nobyembre 29.
Sinabi kahapon ni elecom chairman Atty. Teodoro Kalaw IV na paplantsahin muna nila ang mga isyu at anumang protestang ilalatag ng mga kampo nina incumbent POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ng cycling at aspirant Chito Loyzaga ng baseball.
“We expect to have ruling on all of these protests soon after we deliberate. The sooner, the better,” ani Kalaw sa pulong ng elecom kasama sina Philippine Sports Commissioner Bong Co at Fr. Nap Encarnacion.
Nagbigay rin ang independent electoral body ng November 24 deadline sa mga partido nina Tolentino at Loyzaga para magsumite ng kanilang mga reklamo o protesta.
“With the summation we could determine the merits of their protests,” sabi ni Kalaw.
Ang POC ay may 61 voting members na boboto ng president, first at second vice presidents, treasurer, auditor at limang executive board members via secret balloting.
Kasama ni Tolentino sa pulong ang kanyang “Working Team” candidates para sa POC board na sina Alvin Aguilar (wrestling), Alexander “Ali” Sulit (judo) at Leah Jalandoni Gonzales (fencing) at sina POC secretary general Atty. Wharton Chan at head of legal Atty. Billy Sumagui.
“POC election procedures must be followed,” wika ni Tolentino na kasama rin sa kanyang tiket sina Alfredo “Al” Panlilio (first vide president) ng basketball, Rep. Richard Gomez (second vice president) ng modern pentathlon, Dr. Jose Raul Canlas (treasurer) ng surfing at Donaldo “Don” Caringal (auditor) ng volleyball at Leonora “Len” Escolante (executive board) ng canoe-kayak.
Bitbit naman ni Loyzaga sina Robert Bachmann (squash), Freddie Jalasco (wushu) at Rommel Miranda (kurash) at gymnastics deputy secretary general Rowena Bautista Eusuya.
- Latest