Clippers tinapos ang ratsada ng Warriors

Norman Powell of the Los Angeles Clippers scores past Lindy Waters III and Andrew Wiggins of the Golden State Warriors during a 102-99 Clippers win at the Intuit Dome on November 18, 2024 in Inglewood, California.

INGLEWOOD, Calif. — Naglista si Norman Powell ng 23 points para tulungan ang Los Angeles Clippers sa 102-99 pag-eskapo sa Golden State Warriors.

Ito ang pang-limang sunod na home win ng Clippers (8-7) na nakahugot kay James Harden ng 12 points at 16 assists habang humakot si center Ivica Zubac ng 17 rebounds.

Pinamunuan ni Stephen Curry ang Warriors (10-3) sa kanyang 26 points kasunod ang 22 markers ni Andrew Wiggins.

Bigo si Curry na maipasok ang panabla sanang triple kasunod ang mintis din ni Gary Payton II.

Ang three-pointer ni Lindy Waters III sa pagsisimula ng laro ang tanging naging bentahe ng Golden State na nagwakas ang three-game winning streak.

Sa Detroit, hinugot ni Zach LaVine ang 16 sa kanyang 25 points sa fourth quarter sa 122-112 pagsuwag ng Chicago Bulls (6-9) sa Pistons (7-9).

Sa Miami, kumamada si Jimmy Butler ng season-high 30 points sa kanyang pagbabalik mula sa sprained ankle injury para igiya ang Heat (6-7) sa 106-89 pagsunog sa Philadelphia 76ers (2-11).

Sa Phoenix, naghulog si Franz Wagner ng 32 points sa 109-99 pagpapalamig ng Orlando Magic (9-6) sa Suns (9-6).

Sa Milwaukee, isinalpak ni Damian Lillard ang isang driving layup sa huling 3.9 segundo sa 101-100 paglusot ng Bucks (5-9) sa Houston Rockets (10-5).

Show comments