Davis, James itinawid ang Lakers sa panalo
SAN ANTONIO, Philippines — Nagkuwintas si Anthony Davis ng 40 points at 12 rebounds at kumolekta si LeBron James ng triple-double na 15 points, 16 rebounds at 12 assists sa 120-115 panalo ng Los Angeles Lakers sa Spurs para sa pagbubukas ng kanilang Emirates NBA Cup title.
Ito ang career-high na ikaapat na sunod na triple-double ni James para sa Los Angeles (8-4).
Nagdagdag si Austin Reaves ng 19 points.
Humakot si 7-foot-2 Victor Wembanyama ng 28 points, 14 rebounds, 5 assists at 2 blocks sa panig ng San Antonio (6-7).
Kaagad itinayo ng Spurs ang 11-0 lead, tampok ang isang alley-oop dunk ni Wembanyama mula kay Stephon Castle bago inagaw ng Los Angeles ang 31-30 abante sa pagtiklop ng first period patungo sa 118-115 kalamangan sa huling 25 segundo ng fourth quarter.
Sa Cleveland, nagpaputok si Donovan Mitchell ng season-high 37 points sa 144-126 paggupo ng Cavaliers (14-0) sa Chicago Bulls (5-8).
Sa Oklahoma City, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 28 points para igiya ang Thunder (11-2) sa 99-83 pagpapalamig sa Phoenix Suns (9-4).
Sa Sacramento, nagpasabog si Anthony Edwards ng 36 points at nalampasan ng Minnesota Timberwolves (7-6) ang iniskor na franchise-record 60 points ni De’Aaron Fox sa 130-126 overtime win sa Kings (7-6).
- Latest