Rizal handa na sa MPVA semis
MANILA, Philippines — Winalis ng Rizal St. Gerrard Charity Foundation ang Valenzuela Classy, 25-23, 25-14, 25-12, bilang preparasyon sa semifinal round ng 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) noong Miyerkules ng gabi sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Pumalo si Joann Faeith De Guzman ng 10 points para pamunuan ang 10 pang players na umiskor para sa pagtatapos ng Rizal sa eliminations bilang fourth placer bitbit ang 11-5 record papasok sa Final Four
Pareho sila ng baraha ng No. 3 Biñan Tatak Gel 1-Pacman Partylist sa MPVA na itinatag ni dating Senador at ngayon ay MPBL chairman Manny Pacquiao.
Sa semis ay lalabanan ng No. 1 Quezon Tangerines ang No. 4 Rizal habang haharapin ng No. 2 Bacoor (12-4) ang No. 3 Biñan.
Parehong may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ang Tangerines at Strikers sa Final Four na hahataw sa Lunes sa Bacoor Strike Gym.
Samantala, tinapos ng AM Caloocan Air Force (9-7) ang kanilang kampanya mula sa 25-5, 25-7, 25-7 paggupo sa WCC Marikina (0-16).
Tumipa si Rhea Manalo ng siyam na puntos para sa Caloocan na pumuwesto sa consolation fifth place sa upstart league na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
- Latest