Davison pasikat agad sa pagbabalik sa PLDT
MANILA, Philippines — Sa kanyang pagbabalik sa aksyon ay iginiya ni Savi Davison ang PLDT Home Fibr sa panalo sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Pumalo ang Fil-Canadian spiker ng 19 points para banderahan ang High Speed Hitters sa 25-15, 25-17, 22-25, 25-22 pagdaig sa Nxled Chameleons kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Good start pa rin sa amin considering kakabalik lang din ni Savi tapos bagong salang si Angge (Alcantara),” ani PLDT coach Rald Ricafort kay Davison na hindi naglaro sa nakaraang PVL Reinforced Conference.
Nagdagdag naman ang rookie setter na si Alcantara ng 13 excellent sets at 3 attacks para saluhin ang trabaho ni veteran playmaker Kim Fajardo.
“Mabigat siya at palagi namang may pressure. Pero sa tulong ng mga teammates ko, ng mga ates ko palagi nila akong gina-guide,” ani Alcantara.
Umiskor si Erika Santos ng 16 markers habang may 14, 13 at 10 points sina Majoy Baron, Fiola Ceballos at Dell Palomata, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Chiara Permentilla ang Nxled sa kanyang game-high 21 points kasunod ang 16 markers ni Lycha Ebon.
Diniskaril ng High Speed Hitters ang PVL coaching debut ni Italian Ettore Guidetti para sa Chameleons na nakadikit sa 22-24 sa fourth set mula sa dalawang sunod na puntos ni Permentilla.
Ang crosscourt attack ni Davison ang sumelyo sa panalo ng PLDT laban sa Nxled.
Kinuha ng High Speed Hitters ang 2-0 kalamangan at nakatutok sa pagwalis sa laro.
Ngunit naagaw ng Chameleons ang third set, 25-22, hanggang maiwanan sa 16-22 sa fourth frame.
- Latest