Green Archers ‘di na matitibag sa No.1 spot
MANILA, Philippines — Nakatitiyak na ang defending champions De La Salle University ng top seeding pagkatapos ng 18-game elimination round sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament.
Tangan ang 12-1 karta, kahit may natitirang laro pa ang ibang teams ay hindi na magagalaw sa No. 1 ang La Salle na haharapin ang National University ngayong alas-2 ng hapon, sunod ang bakbakan sa pagitan ng University of the East at Ateneo de Manila University sa alas-6:30 ng gabi.
Ibabandera ng Green Archers sina reigning MVP Kevin Quiambao at Mike Phillips para ikadena ang pang 10 sunod na panalo.
Sina Quiambao at Phillips ang maiinit na players ngayong season, at nito lang ay nahirang na Collegiate Press Corps’ (CPC) UAAP Men’s Player of the Week ang huli.
“I’m just so happy with my role that coach [Topex Robinson] gave me,” ani Phillips, na tumikada ng double-double na 14 points at 10 rebounds nang talunin nila ang UP, 77-66 sa first round.
Hindi lang sa opensa maaasahan si Phillips, malaki rin ang tulong nito sa depensa para maawat nila ang pag-atake ng kanilang mga katunggali.
“I just try to be one of the leaders on the defense and the energy, and a lot of times I still struggle with my offensive end, and sometimes too much energy, and it’s not channeled the right way, but that’s why I trust in my teammates.” ani Phillips.
Nasa pangalawang puwesto ang last year’s runner-up Fighting Maroons, tangan ang 9-3 record, pangatlo ang Red Warriors na hawak ang 6-6 baraha habang pang-apat ang University of Sto. Tomas na bitbit ang 6-7 karta.
- Latest