Pasaol dinugtungan ang pag-asa ng Tamaraws
MANILA, Philippines — Pinalakas ni Janrey Pasaol ang pag-asa ng Far Eastern University sa asam nilang makapasok sa semifinals matapos payukuin ang Ateneo de Manila University, 65-54 kahapon sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum.
Tumikada si Pasaol ng career-high 14 points, pitong rebounds, anim na assists, at dalawang steals para sa FEU na may 5-8 karta at humihinga pa sa asam na magic four.
“Pasalamat ako kay coach Sean kasi galing ako ng juniors, si coach Sean kinakausap niya si coach Allan (Albano) about sa disiplina namin sa mga simpleng box out. Doon ko pa rin ini-earn ‘yung minutes ko para sa kanya kasi every missed box out, labas ako kaagad sa kanya eh,” ani Pasaol.
Mag-isa sa tuktok ng team standings ang defending champions De La Salle University na may 11-1 record, nasa pangalawa ang University of the Philippines na tangan ang 9-2 card, pangatlo ang University of the East, (6-5) at pang-apat ang University of Sto. Tomas (5-7).
Huling laro ng Tamaraws ang Fighting Maroons sa susunod na Sabado sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
“I’m so proud of these guys. Last game, I’ve been pretty tough on them in practice… and their response has been amazing. They are just so good kids, they’re disciplined and they want to win,” ani FEU head coach Chambers.
Makakalaban ng Blue Eagles ang UE sa Miyerkules sa UST Quadricentennial Pavilion.
- Latest