Bakbakan na!
MANILA, Philippines — Matapos ang ilang araw na paghihintay ay papagitna na ang bardagulan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga at karibal na Barangay Ginebra sa Season 49 Governors’ Cup Finals.
Sisimulan ng Tropang Giga at Gin Kings ang kanilang best-of-seven championship series ngayong alas-7:30 ng gabi sa Game One sa Ynares Center sa Antipolo City.
Tinalo ng TNT ang Ginebra, 4-2, para sa korona ng nasabing kumperensya noong nakaraang taon kung saan nagsabong sina imports Rondae Hollis-Jefferson at Justin Brownlee.
Kapwa sinabi nina Tropang Giga coach Chot Reyes at Gin Kings mentor Tim Cone na hindi sila ang magpapanalo ng serye kundi ang kanilang mga players.
“I’m sure he will agree that the players are going to determine how the outcome of the series is going to be,” wika ng 61-anyos na si Reyes na ilang taon naging assistant ni Cone sa Alaska bago lumipat sa Purefoods noong 1993.
Ito ang unang pagtutuos nina Reyes at Cone sa PBA Finals matapos ang 12 taon.
Naniniwala ang 66-anyos na si Cone, may 25 PBA crown, na hindi lamang kina Hollis-Jefferson at Brownlee sesentro ang serye.
“It’s going to come down to Rondae and Justin, and the players around them,” sabi ni Cone. “They are going to the one who will decide the series. And that’s how it should be.”
Swak sa kanilang ika-31 finals stint, target ng Ginebra ang pang-16 korona, habang puntirya ng TNT ang ika-11 titulo sa pang-23 finals appearance nila.
Inihatid naman ni Hollis-Jefferson ang Tropang Giga sa Season 48 Governors’ Cup title noong 2023 ay tinalo naman siya ni Brownlee nang akayin ang Gilas Pilipinas sa gold medal laban sa Lebanon sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Bukod kay Hollis-Jefferson, muli ring aasahan ng TNT sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Calvin Oftana, Poy Erram at Kelly Williams katapat sina Brownlee, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Stephen Holt at rookie RJ Abarrientos ng Ginebra.
- Latest