Davis, Lakers pinalubog ang Suns
LOS ANGELES, Philippines — Kumamada si Anthony Davis ng 35 points para banderahan ang Lakers sa pagbangon sa second half patungo sa 123-116 pagpapalubog sa Phoenix Suns.
Nag-ambag si Austin Reaves ng 26 points, 8 assists at 3 steals, habang may 21 markers si LeBron James para sa 2-0 start ng Los Angeles sa season.
Pinamunuan ni Kevin Durant ang Phoenix sa kanyang 30 points kasunod ang 23 markers ni Devin Booker.
Bumalikwas ang Lakers mula sa isang 22-point deficit sa second period mula sa iniskor na 35 points sa third period tampok ang tig-11 points nina Davis at James kumpara sa 24 markers ng Suns para ilista ang 12-point lead sa fourth quarter.
Sa Atlanta, bumira si Trae Young ng 38 points at nalampasan ng Hawks ang 34 points at career-best na siyam na triples ni LaMelo Ball para sa 125-120 pananaig ng Hawks sa Charlotte Hornets.
Sa Salt Lake City, kumamada si Buddy Hield ng 27 points at may 20 markers si Steph Curry para sa 127-86 pagbugbog ng Golden State Warriors sa Utah Jazz.
Sa Cleveland, umiskor sina Donovan Mitchell at Dean Wade ng tig-19 points para tulungan ang Cavaliers sa pagtumbok sa 113-101 panalo sa Detroit Pistons.
- Latest