Gonzaga hinugot ng ZUS Coffee
MANILA, Philippines — Desidido ang Zus Coffee Thunderbelles na makipagsabayan sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na papalo sa susunod na buwan.
Ito ay matapos kunin ng Thunderbelles ang serbisyo ni opposite spiker at dating Most Valuable Player (MVP) Jovelyn Gonzaga para palakasin ang lineup nito.
Pormal nang inanunsiyo ng pamunuan ng Thunderbelles ang pagkuha nito kay Gonzaga kahapon sa kanilang mga social media accounts.
Mainit itong tinanggap ng Thunderbelles na magsisilbi nitong bagong pamilya sa PVL.
“Welcome to the ZUS family, ‘Bionic Ilongga’,” ayon sa post ng Thunderbelles.
Huling naglaro si Gonzaga kasama ang Cignal HD Spikers sa 2024 All-Filipino Conference.
Una nang nagparamdam ang Thunderbelles nang ilabas nito sa kanilang social media na magiging official sponsor ito ni Gonzaga noong Agosto.
Malaki ang maitutulong ni Gonzaga sa Thunderbelles lalo pa’t malalim ang karanasan nito na maibabahagi nito sa kanyang mga bagitong teammates.
Makakasama ni Gonzaga sa Thunderbelles sina Cloanne Mondonedo, Gayle Pascual at Michelle Gamit.
- Latest