Tangerines ‘di bibitaw sa liderato ng MPVA
MANILA, Philippines — Lalabanan ng Quezon Tangerines ang AM Caloocan Air Force at magtutuos ang Bacoor Strikers at ICC Negros Lady Blue Hawks sa second round ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) Season 1 sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Magkikita ang Tangerines at Air Force Spikers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Strikers at Lady Blue Hawks sa alas-2.
Solo ng Quezon, isa sa dalawang expansion squads sa nine-team upstart league na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao, ang liderato tangan ang 10-1 record at natalo lamang sa fourth-placer na Biñan (6-5).
Kaagad nakabangon ang Tangerines at tinalo ang Valenzuela Classy sa pagtatapos ng first round.
Segunda ang Rizal St. Gerrard Foundation ng Caloocan sa 10-3 marka.
Nauna nang binigo ng Quezon ang Caloocan sa first round.
Hangad naman ng AM Spikers na mapaganda ang kanilang 5-5 kartada para sa tsansa sa semifinal spot ng MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, ASICS, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
Samantala, pipilitin ng Bacoor, may bitbit na 8-2 marka, na makahabol sa Quezon at Rizal para sa Top Two seeds na magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ incentives sa semis.
Ang Strikers ang nagwagi sa inaugural MPVA edition.
- Latest