Biado, Chua tuloy ang pananalasa sa Vietnam
MANILA, Philippines — Umusad sa susunod na phase sina Pinoy cue artists Carlo Biado at Johann Chua matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa Round 3 ng winners qualification sa Hanoi Open Pool Championship, 2024 na nilalaro sa Hanoi Indoor Games Gymnasium, Vietnam kahapon.
Pinagulong ng two-time WPA World Championship king na si Biado si Salvador Garcia, 9-2 ng Spain habang sinargo ni former World Cup of Pool ruler Chua si Phuong Nam Pham, 9-4 ng Vietnam.
Lumalakas ang tsansa ng 40-anyos na si Biado at Chua sa inaasam na korona sa event na nakalaan ang $200,000 prize fund kung saan ay ibubulsa ng magkakampeon ang $30,000 premyo.
Bago tumuntong sa round 3, isa isang inubos ni Biado sina Chinese Taipei bets Wang Chih-Yung, 9-4 at Sun Yi Hsuan, 9-6 sa rounds 1 at 2, ayon sa pagkakasunod.
Naunang kinabog ni Chua sina Vietnamese pool players Luong Van Nam, 9-5 sa Round 1 at Ta Van Linh, 9-7 sa Round 2.
Nagwagi rin sa Round 3 sina Jerson Cumayas kontra Liu Ri Teng, 9-4 ng Taiwan, Bernie Regalario laban kay Lin Shih Kai, 9-5 ng Chinese Taipei at Albert Manas na pinayuko si Mickey Krause, 9-8 ng Denmark.
Ang ibang Pinoy bets na tumumbok ng malinis na tatlong panalo ay sina many-time Southeast Asian Games gold medalist, Lee Vann Corteza, Patric Gonzales at Jefrey Roda.
Samantala, ibubulsa ng second placer ang $15,000, $9,500 ang semifinalists, tatanggap ng $6,000 ang fifth hanggang eighth habang mag-uuwi ng $4,000 ang ninth hanggang 16th.
- Latest