Lady Tams sinuwag ang Lady Stags sa SSL opener
MANILA, Philippines — Ipinaramdam kaagad ng Far Eastern University ang kanilang lakas matapos walisin ang San Sebastian College-Recoletos, 25-14, 25-19, 25-20, sa pagbubukas ng Shakey’s Super League Pre-Season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Kinapitan ng Lady Tamaraws sa opensa si rookie middle blocker Clarisse Loresco matapos ilista ang siyam na puntos mula sa anim na attacks, dalawang blocks at isang service ace para sa 1-0 baraha.
Dahil sa impresibong laro ay nahirang si Loresco bilang unang Shakey’s Super League MVP of the Match.
Dominado kaagad ng Lady Tams ang laban sa first set matapos ilista ang 25-14 bentahe sa Lady Stags at namuro sila nang magaan pa ring nasungkit ang second frame.
“Masaya po ako na maganda ang inilaro ko and thankful kay coach Tina (Salak) for giving me the opportunity na maipakita ko ‘yung laro ko in today’s game,” sabi ni Loresco.
Bumakas sina veteran Alyzza Devosora at Kyle Pendon ng tig-pitong puntos para sa FEU.
Anim na marka ang idinagdag ni Nikka Medina para sa tropa ni Salak.
Pinamunuan ni Kath Santos ang opensa para sa San Sebastian sa tinikadang siyam na puntos, samantalaang nag-ambag sina Divine Garcia at Juna Gonzales ng tig-imang marka.
Samantala, babangon ang Lady Stags sa kabiguan sa pagsagupa sa NCAA champions St. Benilde Lady Blazers ngayong alas-9 ng umaga.
- Latest