Quizon lumapit sa GM title
Matapos ang panalo sa Indian Super gm
MANILA, Philippines — Kinalos ni Filipino International Master Daniel Maravilla Quizon (elo 2457) si super grandmaster Sunilduth Lyna Narayana ng India (elo 2649) sa ninth at final round upang sumalo sa six-way tie sa top spot sa 30th Abu Dhabi International Chess Festival na nilaro sa United Arab Emirates noong Sabado ng gabi.
Nirehistro ng grandmaster - elect na si Quizon ang pitong puntos matapos ang 51 moves ng King’s Indian laban kay Narayana subalit matapos ipatupad ang tie-break ay pumang-anim lamang ang Pinoy woodpusher.
Subalit parang nagkampeon ang pakiramdam ng 20-anyos Olympic-bound dahil impresibo ang ipinakita nitong laro kung saan ay nakakuha ito ng performance rating na 2749 kaya naman nagkaroon ito ng plus 33.3 sa kanyang elo rating.
Mula sa 2457 ay umungos sa 2490 ang rating ni Quizon at lumapit ito sa 2500 requirements rating para maging ganap na grandmaster.
“Dun ko na lang po subukan kunin sa Olympiad,” ani Quizon, na nakaharap ang anim na GMs sa nasabing tournament, apat ang kanyang tinalo habang nabigo sa dalawa.
Tutulak ng piyesa si Quizon para sa Philippine team na lalaro sa FIDE World Chess Olympiad sa Budapest, Hungary sa Setyembre 10 hanggang 22 at dahil 10 puntos na lang ang kailangan na maidagdag sa kanyang elo rating ay malaki ang posibilidad na makuha na nito ang grandmaster title.
- Latest