Quizon malakiang pag-asa sa Abu Dhabi meet
MANILA, Philippines — May tsansa pa rin sa asam na korona si Pinoy International Master Daniel Quizon matapos nitong gulatin si Grand Master Klementy Sychev ng FIDE sa seventh round ng premier Master’s section ng 30th Abu Dhabi International Chess Festival sa United Arab Emirates.
Nakapagtala ang 20-anyos na si Quizon ng limang puntos matapos pisakin si Sychev sa 43 moves ng Ruy Lopez upang makisiksik sa 10th place kasama ang 15 pang woodpushers.
May dalawang natitirang laro pa ang Olympiad-bound at GM-elect na si Quizon sa event na ipinatutupad ang nine rounds swiss system.
Isang puntos ang hinahabol ni Quizon kay solo leader GM Shamsiddin Vokhidov ng Uzbekistan kaya kailangan manalo ulit siya sa eighth at penultimate round laban kay GM GM Abdimalik Abdisalimov ng Uzbekistan.
Kinalos ni Quizon si sixth seed at super GM Bassem Amin (elo 2667) ng Egypt sa fourth round.
Maliban sa korona, hangad din ni Quizon na makalikom ng malaking elo rating points upang maabot ang 2500 requirements para maging GM.
Kasalukuyang may performance rating si Quizon na 2668 at may naiipon na plus 19.6 points at may two rounds pa kaya puwede pang madagdagan.
May elo rating na 2457 si Quizon at kailangan na lang niya ng 43 points para maabot ang 2500.
Sakaling kapusin ay maaari niyang makumpleto ito sa World Chess Olympiad sa Setyembre 10 hanggang 22 sa Budapest, Hungary.
- Latest