Navarro bumida sa NorthPort
MANILA, Philippines — Ang four-point shot ni Fran Yu sa pagtunog ng buzzer sa pagtiklop ng third period ang nagpainit sa opensa ng NorthPort para gibain ang Terrafirma, 112-93, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang panalo ng Batang Pier sa dalawang laro, habang laglag ang Dyip sa 0-2.
Kumamada si Will Navarro ng 31 points, 5 rebounds, 2 assists at 2 steals para banderahan ang NorthPort at may 16, 14 at 10 markers sina import Venky Jois, Joshua Munzon at Arvin Tolentino, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Juami Tiongson ang Terrafirma sa kanyang 19 points kasunod ang 17 markers ni Stanley Pringle.
Mula sa 51-43 halftime lead ay iniwanan ng Batang Pier ang Dyip sa 68-52 sa 5:42 minuto ng third period.
Isinara ni Yu ang nasabing yugto sa isang 4-pointer patungo sa 98-73 pagbaon ng NorthPort sa Terrafirma sa 8:30 minuto ng fourth quarter.
Samantala, puntirya ng Rain or Shine ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Barangay Ginebra ngayong alas-6 ng gabi sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.
Nagmula ang Elasto Painters sa 110-97 paggupo sa Blackwater Bossing kung saan humakot si import Aaron Fuller ng 24 points.
- Latest