NU igigiya na ni Meneses
MANILA, Philippines — May rigodon sa kampo ng National University (NU) women’s volleyball team matapos kunin ang serbisyo ni veteran mentor Sherwin Meneses bilang bagong head coach ng Lady Bulldogs.
Malaki ang maitutulong ni Meneses sa Lady Bulldogs dahil hawak nito ang multi-champion Creamline Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL).
Kaya naman madadala nito ang kanyang malalim na karanasan sa Lady Bulldogs na nakatakdang depensahan ang kanilang korona sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa susunod na taon.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na hahawak si Meneses ng collegiate team.
Una na itong naging head coach ng Adamson University sa UAAP mula noong 2012 hanggang 2016.
Pinalitan ni Meneses si veteran coach Dulce Pante sa Lady Falcons.
Papalitan ni Meneses sa Lady Bulldogs si dating head coach Norman Miguel.
Si Miguel ang head coach ng Lady Bulldogs nang magkampeon ito sa Season 86 kung saan tinalo ng tropa ang University of Santo Tomas sa best-of-three championship series.
Solido pa rin ang lineup ng Lady Bulldogs sa kanilang title defense dahil nariyan pa rin sina reigning MVP Bella Belen at Season 86 Finals MVP Alyssa Solomon kasama si veteran setter Lams Lamina.
Nakasentro ang atensiyon ni Meneses sa kampanya ng Creamline sa PVL Reinforced Conference kung saan pasok na ang kanyang bataan sa quarterfinals.
- Latest