Olympic dream matutupad na ni Jaja
MANILA, Philippines — Ang makapaglaro sa Olympic Games ang isa sa mga pangarap ni Jaja Santiago o Sachi Minowa.
At posible na itong matupad matapos makakuha ang 6-foot-5 middle blocker ng Japanese citizenship bago pa maganap ang 2024 Paris Olympics.
“Ito na ‘yung dream niya, that’s why nandoon naman siya sa Japan, and nakapag-asawa na rin ng Japanese, siyempre,” wika ni Chery Tiggo coach Kungfu Reyes kay Santiago. “Konti pa mas mapu-fulfill niya ‘yung dream niya to join the Olympics. Iyon lang naman ang target that’s why nag-migrate siya sa Japan.”
Naglaro ang 28-anyos na si Santiago sa Crossovers noong 2021 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kung saan niya inihatid ang tropa sa kauna-unahan nitong korona.
Si Reyes ang naging coach ni Santiago sa high school sa University of Santo Tomas at sa ilang national team tournaments.
Kasalukuyang naglalaro ang 6-foot-5 na si Santiago para sa JT Marvelous at kamakailan ay nakasama sa pagsasanay ng Japanese national pool matapos ang kanyang impresibong 2023-24 V.League season.
Sa pagkakaroon niya ng Japanese citizenship ay puwede nang maglaro si Santiago para sa Hinotori Nippon sa Volleyball Nations League, sa 2026 Asian Games at sa 2028 Los Angeles Olympics.
- Latest