Four-point shot pagbigyan muna—Marcial
MANILA, Philippines — Hiniling kahapon ni PBA Commissioner Willie Marcial sa mga players, coaches at fans na obserbahan muna ang ipatutupad na four-point shot sa darating na Season 49.
Nagbigay kasi ng magkahalong reaksyon ang mga players, coaches at fans tungkol sa bagong pakulo ng liga na sisimulang ipatupad sa PBA Governors’ Cup sa Agosto 18.
“Okay lang iyon. Opinion nila iyon, kahit iyong mga fans hindi ba? Pagbigyan ninyo muna kami. Tingnan natin kung magiging successful. Kung hindi, tingnan natin kung anong magagawa natin, pero subukan natin,” ani Marcial sa Season 49 Media Day sa Le Park Event Hall sa Pasay City.
Ang nasabing four-point shot ay ginamit ng PBA sa huling dalawang All-Star Games.
Sa 2023 All-Star Game sa Passi, Iloilo ay nagsalpak si Magnolia shooter Paul Lee ng pitong four-point shots sa 136-140 kabiguan ng Team Scottie sa Team Japeth.
Sa isinagawang planning session sa Osaka, Japan ay inaprubahan ng 12 miyembro ng PBA Board of Governors ang nasabing bagong patakaran.
Ngunit sinabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao na hindi sila nakonsulta para sa four-point shot ruling.
- Latest