14 events pa rin sa 3rd ROTC Games — Tolentino
MANILA, Philippines — Mananatili sa 14 ang mga sports events na ilalatag para sa 3rd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Sen. Francis Tolentino, ang may orihinal na konsepto ng torneo para sa mga school cadets, matapos ang matagumpay na pagdaraos ng 2nd ROTC Games Luzon NCR Leg sa Indang, Cavite.
“Medyo mahirap na kapag dinagdagan pa natin ang mga events. So baka mag-stick na lang muna tayo sa 14 events next year,” ani Tolentino na nakatuwang ang Department of National Defense, Commissioner on Higher Education at Philippine Sports Commission sa pagdaraos ng ROTC Games.
Mula sa pitong events sa unang edisyon noong 2023 ay lumobo sa 14 sports disciplines ang inilatag sa 2nd edition na binubuo ng arnis, athletics, basketball, boxing, chess, e-sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball at raiders competition.
Sa katatapos lang na 2024 ROTC Games Luzon NCR Leg ay nagdomina ang Rizal Technological University-Boni sa Philippine Army unit sa kinolektang 42 gold, 18 silver at 7 bronze medals.
Ang mga gold at silver medalists sa Luzon, Visayas at Mindanao Legs ay maglalaro sa 2nd ROTC Games National Championships sa Agosto 18-24 sa Indang, Cavite.
- Latest