Eala kumana ng career-best sa world rankings

Alex Eala
Photo courtesy itfwvitoriagasteiz

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa world ran­king ng Women’s Tennis Association (WTA).

Base sa inilabas na listahan ng WTA, sumulong na naman sa panibagong career-high si Eala.

Kasalukuyan na itong nasa ika-143 puwesto — 12 posisyon na mas mataas kumpara sa kanyang dating ranking na No. 155 noong nakaraang linggo.

Malaking tulong sa pag-angat  ni  Eala ang dalawang korona na nakopo nito sa katatapos na International Tennis Federation (ITF) Women’s 100 Tennis Tournament na ginanap sa Vitoria-Gasteiz, Spain.

Pinagreynahan ni Eala ang singles event habang nagkampeon din ito sa doubles category para walisin ang dalawang korona na nakataya sa naturang torneo.

Unang nasungkit ni Eala ang kampeonato sa doubles kasama si Estelle Cascino ng France kung saan tinalo ng dalawa sina Lia Karatancheva ng Bulgaria at Diana Marcinkevica ng Latvia sa finals sa iskor na 6-3, 2-6, 10-4.

Nadoble ito ni Eala makaraang pabagsakin nito si Victoria Jimenez Kasintseva ng Andorra sa singles finals, 6-4, 6-4, para masiguro ang sweep.

Malaki rin ang nadagdag sa puntos ni Eala matapos umabot sa finals ng qualifying rounds ng dalawang Grand Slam events — ang  Wimbledon at French Open.

Show comments