USPF, UST nakasilip ng pag-asa sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Parehong nagkaroon ng tsansa na umusad sa susunod na phase ang University of Southern Philippines Foundation Lady Panthers at University of Santo Tomas Golden Tigresses matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa Day 2 ng 2024 Shakey’s Super League National Invitationals na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.
Kinalmot ng Lady Panthers ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates, 25-19, 17-25, 25-23, 25-19 upang hawakan ang No. 2 spot sa Pool C tangan ang 1-1 karta.
Kinapitan ng reigning CESAFI champion, University of Southern Philippines Foundation ang tikas ni Ressel Pedroza para makabangon mula sa pagkakadapa sa unang araw ng kompetisyon kontra Far Eastern University Lady Tamaraws, 13-25, 15-25, 17-25 noong Miyerkules.
Nagtala si Pedroza ng 15 points, mula sa 15 attacks at isang service ace kaya nahirang itong Most Valuable Player of the Game.
Dedepende ang pagsampa ng Lady Panthers sa knockout game, kailangan manalo ng Lady Tamaraws sa Intramuros-based squad LPU upang hawakan ang No. 2 sa Pool C.
Tangan ng Lady Tams ang 1-0 habang 0-1 ang LPU sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner at Mikasa
Samantala, nagwagi ang Golden Tigresses sa Soccsksargen, 25-17, 25-18, 28-30, 25-14 sa unang laro.
Nirehistro ni Margaret Altea ang 17 points mula sa 11 spikes, limang blocks at isang service ace upang tulungan ang España-based squad na ilista ang 1-1 karta sa Pool B at manatili ang asam na pumalo ng bola sa quarterfinals.
Nabulaga ng University of Batangas ang UST, 25-16, 28-26, 17-25, 17-25, 18-16 sa opening day matapos yumuko sa limang sets.
- Latest