Czech Rep. nagreyna sa FIVB Challenger Cup
MANILA, Philippines — Kumamada si Gabriela Orvosova ng 25 points mula sa 23 attacks at dalawang blocks para igiya ang Czech Republic sa 25-23, 25-20, 18-25, 25-18 paggupo sa Puerto Rico sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup Finals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Nag-ambag si team captain Michaela Mlejnkova ng 18 markers para sa pagsikwat ng mga Czechs sa gold medal at tiket sa Volleyball Nations League 2025.
“It’s unbelievable. I’m so proud of my team,” sabi ni Orvosova sa Czech Republic na natalo sa Canada sa finals ng Challenger Cup noong 2019.
May 12 points si Helena Havelkova kasunod ang 11 markers ni Magdalena Jehlarova.
Binanderahan ni Grace Lopez ang mga Puerto Ricans sa kanyang 23 points mula sa 22 attacks at isang service ace.
Sa unang laro, tinalo ng Vietnam ang Belgium, 25-23, 23-25, 25-20, 25-17, para ibulsa ang bronze medal.
Pumalo si Nguyen Thi Bich Tuyen ng 35 points mula sa 34 attacks at isang block para sa podium finish ng World No. 34 team matapos ang eight-place finish noong nakaraang taon.
Nag-ambag si Nguyen Thi Trinh ng 10 points habang may pitong marka si Thi Thanh Thuy Tran.
Tumipa si Manon Stragier ng 14 points para sa World No. 13 Belgium at may 13 at 11 points sina Pauline Martin at Britt Fransen, ayon sa pagkakasunod.
- Latest