Wattah dila!
TAYO naman kaya ang tumawa at maglabas ng dila. Ipinakita ni San Juan Mayor Francis Zamora sa publiko si Lexter Castro alyas “boy dila”, ang nambasa ng rider noong Hunyo 24, pista ng San Juan. Kilala ang araw na ito kung saan nagbabasaan ang mga taga-San Juan bilang paggunita kay St. John the Baptist. Pero sa aking pagkakaalam, bawal na ang mambasa ng kung sinu-sino lang sa kalsada, dahil mabigat na perwisyo ito sa mga pumapasok, maging sa paaralan o opisina. Walang laban ang mga pasahero ng pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus at tricycle pati mga naglalakad.
Kita sa video si Castro na binabasa ng water gun ang nakahintong rider, at nakalabas pa ang dila na tila nangungutya dahil wala namang magawa ang rider para pigilan ito. Pero kung walang nagawa ang rider mismo, binawian naman ng social media nang husto si Castro. Naging viral ang video at sa sunod na araw, ito ang imahe sa lahat ng pahayagan, website at social media ng uri ng kapistahan ng San Juan. Kaya si Mayor Zamora mismo ay “na bad-trip sa ginawa ni Castro dahil sa ginawang kahihiyang idinulot niya sa mga San Juaneños at sa kanilang siyudad.”
Ayon kay Castro, umani siya ng matinding batikos hindi lang sa social media. Nagpahayag din na nakatanggap na siya at ang kanyang pamilya ng pagbabanta. Humingi ng pasensiya kay Mayor Zamora pati na rin sa publiko, at hiniling na huwag na lang bantaan ang kanyang pamilya kundi sa kanya na lang. May oras na umiyak pa ito. Hindi ko alam kung may pananagutan siya sa siyudad.
Ito ang mahirap. Marami ang nakakalimot na halos lahat ng tao ay may kamera ngayon. Kaya kung gagawa ng kamalian, tiyak may makakakuha ng litrato o video. Matapang ngayon, mag so-sorry naman bukas. Ganyan madalas ang kuwento ng mga matapang o bastos sa kalsada. Kapag nakunan ng video at umabot na sa mga otoridad, eto na, sorry nang husto, at nagmumukhang kawawa pa.
Di ba ganun si Wilfredo Gonzales, dating pulis na naglabas ng baril dahil nasagi ng naka-bisikleta ang kanyang sasakyan? Kumalat nang husto ang kanyang larawan na gigil na gigil kumasa ng baril. Naging pakay siya nang napakaraming nakakatawang meme. Nasaan na siya ngayon? Siguro naman suspindido na ang lisensiya, at hindi na puwedeng magmay-ari ng baril.
Nangako naman si Mayor Zamora na maglalabas ng patakaran para sa susunod na “Wattah! Wattah!” Isa na rito ay ang pagtatalaga ng lugar kung saan doon lang puwedeng magbasaan. Isasara ito sa mga sasakyan at tao para hindi maperwisyo ang ayaw mabasa. Kung sino ang gustong makipagbasaan, doon sila dapat pumunta. Alam ko dati ganyan na kasi nga maraming nagrereklamo ng perwisyo kung Hunyo 24 sa San Juan. Sana nga maipatupad.
- Latest