Gilas Pilipinas sumuko sa Turkey sa tune-up game
MANILA, Philippines — Pumalag muna ang Gilas Pilipinas bago isuko ang 73-84 kabiguan sa kamay ng Turkey sa unang tuneup game nito sa Europe na ginanap sa Istanbul, Turkey.
Ito ang unang pagsalang ng Gilas Pilipinas sa dalawang friendly games nito na bahagi ng paghahanda para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Lamang ang Turkey ng 10 puntos sa huling kanto ng laban.
Subalit hindi agad bumitaw ang Gilas Pilipinas nang pamunuan ni naturalized player Justin Brownlee ang 11-2 atake para makalapit sa 66-68.
Subalit rumesbak ang Turkey na naglatag ng sariling 16-7 bomba para makalayo at tuluyan nang makuha ang panalo.
Nagkasya lamang sa limang three-pointers ang Gilas Pilipinas mula sa 17 attempts nito — malayo sa 14 triples na nagawa ng Turkey.
Nanguna para sa Gilas Pilipinas si Brownlee na may 21 points, habang nagdagdag si seven-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng double-double output na 17 points at 10 boards.
“It was a tough loss against Turkey. We had our first taste of the type of opposition we will be facing in the OQT,” wika ni Gilas team manager Richard Del Rosario.
Bumandera naman para sa Turkey si Bosnian-Turkish gunner Tarik Biberovic na may 23 points tampok ang limang tres.
“While others may see it as a satisfying first game, our team mindset is - almost is not enough. We only have one shot at make it to the Olympics and we cannot be satisfied with almost winning,” dagdag ni Del Rosario.
Sunod na makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Poland para sa huling tuneup game.
- Latest