PNVF tiwala sa lakas ng Alas Pilipinas
MANILA, Philippines — Mahalaga para sa Alas Pilipinas Women ang kanilang unang laro sa 2024 FIVB Women’ Volleyball Challenger Cup.
Kailangan kasing talunin ng mga Pinay spikers ang bisitang Vietnam sa knockout quarterfinals sa win-or-go-home format ng torneong nakatakda sa Hulyo 4 hanggang 7 sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
“It’s tough on Day 1 for Alas Pilipinas, but we’re very sure they’ll give the Vietnamese a tough fight,” sabi ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara.
Nakatakda ang duwelo ng mga Pinay at Vietnamese spikers sa Hulyo 5 sa alas-6:30 ng gabi matapos ang laro ng Czech Republic at Argentina sa alas-3 ng hapon.
Sa Hulyo 4 magtutuos ang Puerto Rico at Kenya sa alas-3 ng hapon kasunod ang laban ng Belgium at Sweden sa alas-5.
Ang mga mananalo ang aabante sa semifinals patungo sa finals kung saan ang top teams ang papasok sa 2024 Volleyball Nations League (VNL).
Nagmula ang Alas Pilipinas sa makasaysayang bronze medal finish sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup for Women.
Idinagdag ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito sa tropa si Creamline star Jema Galanza at sina Bella Belen at Alyssa Solomon ng UAAP champions National University Lady Bulldogs.
Makakasama nila sina team captain Jia De Guzman, Angel Canino, Sisi Rondina, Eya Laure at iba pa.
- Latest