Gilas doble-kayod sa ensayo para sa OQT
MANILA, Philippines — Marami pang dapat ayusin ang Gilas Pilipinas ilang araw bago ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na hahataw sa susunod na buwan sa Riga, Latvia.
Doble kayod na ang Pinoy cagers sa ensayo para mabilis na makuha ang perpektong kundisyon lalo pa’t ilang araw pa lamang magkakasama sa ensayo ang pool.
“We still have a lot of work but we got tough. That’s the whole idea why we are playing now. It’s because we have a lot of work to do ahead of us. That’s why we are playing friendlies in Turkey and friendlies in Poland,” ani Gilas head coach TIm Cone.
Tiwala naman si Cone na magiging solido ang kanyang tropa bago sumapit ang Olympic qualifiers.
Matagal nang magkakasama ang lahat ng miyembro ng pool na sumabak na sa iba’t ibang international tournaments sa nakalipas.
Kaya naman kabisado na ng bawa’t isa ang galaw nito sa loob ng court at hindi na magiging mahirap pa ang adjustment.
“Hopefully, we can just continue to get better and better as we move forward,” dagdag ni Cone.
Matapos ang friendly game kontra Turkey, sasalang naman ang Pinoy cagers sa isa pang tuneup game laban sa Poland sa huling bahagi ng linggong ito.
Kasalukuyang No. 15 sa world rankings ang Poland kaya’t mapapalaban ng husto ang Gilas — bagay na mas gusto ni Cone upang mas lalo pang lumakas ang kanyang bataan.
Magsisimula ang kampanya ng Gilas sa Olympic qualifiers sa pagharap nito sa Latvia sa Hulyo 4 sa alas-12 ng hatinggabi (oras sa Maynila).
Kasunod nito ang laban kontra sa Georgia sa Hulyo 5 sa alas-10:30 ng gabi (oras sa Maynila).
- Latest