Sen. Go nagbigay ng bonus sa Olympic-bound athletes
MANILA, Philippines — Hindi pa man sila sumasalang sa kanilang mga events sa 2024 Paris Olympic Games ay tumanggap na ng bonus ang 15 national athletes.
Nagbigay si Sen. Bong Go ng tig-P500,000 bilang financial assistance sa nasabing mga Olympic-bound athletes.
“Ang mahalaga, bigyan natin sila ng suporta mula sa gobyerno even before the competition and after the competition,” sabi ni Go kahapon sa isang turnover ceremony sa Philippine Sports Commission (PSC) Office.
“Ito’y isang pagkilala at pagsaludo sa kanilang sakripisyo at dedikasyon,” dagdag ng chairperson ng Senate Committee on Health and Sports.
Iniabot ni Go ang mga tseke nina Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, Hergie Bacyadan at Aira Villegas ng boxing, gymnast Carlos Yulo, weightlifters Vanessa Sarno, Elreen Ando at John Ceniza at rower Joannie Delgaco.
Matatanggap din nina pole vaulter EJ Obiena, boxer Eumir Marcial, fencer Sam Catantan at gymnasts Aleah Finnegan, Levi Ruivivar at Emma Malabuyo ang kanilang mga bonus bago sumabak sa Paris Olympics na nakatakda sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.
Hangad ng mga national athletes na maduplika ang binuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz na kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa Tokyo Games.
Hindi nag-qualify si Diaz para sa Paris Games.
Idinagdag ni Go na tatanggap din ng parehong bonus sina Paralympics-bound athletes Angel Otom at Ernie Gawilan ng swimming at Allain Ganapin ng taekwondo.
- Latest