Obiena naka-ginto sa Poland
MANILA, Philippines — Tila handang-handa na si EJ Obiena sa Paris Olympics matapos kumana ng gintong medalya sa 6th Irena Szewinska Memorial sa Bydgoszcz, Poland.
Maganda ang gising ni Obiena matapos magtala ng season-best na 5.97 metro upang masiguro ang unang puwesto sa naturang Poland meet.
Unang nilundag ni Obiena ang 5.55m kasunod ang 5.75m sa kanyang unang attempt pa lamang.
Itinaas ito ni Obiena sa 5.82m at sa 5.87m bago kubrahin ang ginto sa winning mark na 5.97m.
Hawak ni Obiena ang personal best na 6.0m na kailangan nitong madala sa Paris Games para mapalakas ang tsansa nito sa gintong medalya.
Tinalo ni Obiena sa Poland si Emmanouil Karalis ng Greece na may naitalang 5.92m [ara sa pilak na medalya, habang pumangatlo si Piotr Lisek ng Poland na may nakuhang 5.75m.
Inaasahang maaabot ni Obiena ang peak nito sa oras na tumuntong ito sa Paris Games na nakatakdang magsimula sa Hulyo 26.
- Latest